Suspek sa DLSU Bar Exam blast kakasuhan na

IPINASASAMPA na ng Department of Justice (DOJ) ang kasong Multiple Murder laban kay Anthony Nepomuceno, ang pangunahing suspek sa De La Salle blast noong Setyembre 2010 na ikinasugat ng aabot sa 40 law students.

Sa 21 pahinang resolusyon, sinabi ng DOJ panel, sa pangunguna ni Prosecution Atty. Gerard Gaerlan na kinakitaan nito ng probable cause para kasuhan si Nepomuceno matapos mabigo itong patunayan na wala siyang kinalaman sa pagsabog sa huling araw ng 2010 Bar Exams.

Mas kinatigan ng DOJ ang mga salaysay ng mga testigo na kumilala kay Nepomuceno na miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity na naghagis ng granada.

“Nepomuceno was positively identified by several witnesses who saw him threw the package at the crowded area of De La Salle University. Witnesses ran after him, called for help and pointed him as the one responsible for the explosion.” nakasaad sa resolusyon ni Gaerlan.

Bilang depensa, sinabi ni Nepomuceno na malayo siya sa pinangyarihan ng pagsabog at isang resibo ng withdrawal sa isang automated teller machine ng Metrobank Branch sa Barangka, Marikina ang kanyang iprinisinta bilang ebidensya.

Ngunit hindi naman ito binigyang bigat ng prosekusyon matapos mabigo si Nepomuceno na patunayan na siya ang nagmamay-ari ng nasabing account, kung saan nakasaad sa resibo na Sept. 26, 2010 ganap na alas-7:49 ng gabi, habang ang pagsabog naman ay nangyari alas-5:10 ng hapon.

“Cleary, there is at least two hour window from the commission of the crime and the issuance of said receipt. Considering that the scene of the crime is at Taft Avenue, Manila, which is more or less twenty kilometers away from Baranka, Marikina, then it is not physically impossible for the respondent to be at the scene of the crime when the crime was committed because his alibi of being in Marikina City happened only two hours after the crime was committed,” ayon pa sa resolusyon.