OFWs pinag-iingat sa pekeng trabaho sa Italy

INIIMBESTIGAHAN na ng Italian government ang isang kumpanyang nag-aalok ng trabaho para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa nasabing bansa.

Sa ulat na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagbabala ang embahada ng Pilipinas sa Roma, Italya sa mga Pilipino na mag-ingat sa kumakalat na balitang nangangailangan ng mga trabahador ang bayan ng L’Aquila, kilalang lugar ng mga OFWs sa Italy.

Batay sa imbestigasyon ng embahada, nagpapakilala bilang “Ministry of Development, Public Works and Housing Reconstruction of Earthquake Affected Cities Program” ang nagpapadala ng imbitasyon sa mga Pilipino sa Roma.

Nanggaling ang imbitasyon sa projecto_laquila@rome.com na may tanggapan umano sa Via Sicilia 162/C.

Kailangan umano ng truck driver, machine operator, plumber, carpenter, electrical engineer, electrician, metal worker, nurse, clinic staff, helper, brick layers, cook, first aid attendant, quality surveyor at iba pang trabaho para sa bayan ng L’Aquila na niyanig ng malakas na lindol noong Abril 6.

Umabot sa 260 na residente ang namatay habang mahigit sa 1,000 naman ang nasugatan at mahigit sa 28,000 mamamayan ang nawalan ng tahanan.

Sinabi naman ng Italian government na walang proyekto ang kanilang pamahalaan kaugnay sa rehabilitasyon ng L’Aquila.

“There is no Committee for the Reconstruction of L’Aquila at the Ministry’s official address in Via Sicilia 162/C cited in the email, and the Italian Ministry of Development Public Works and Housing does not correspond to any Italian office,” batay pa sa natanggap na ulat ng embahada.

Pinag-iingat din ng pamahalaang Italya ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa kanilang bansa. Dapat umanong makipag-ugnayan sa embahada upang matiyak na ligal at lehitimo ang kanilang papasukang trabaho.

Batay sa talaan ng DFA, umaabot sa mahigit 5,000 Pilipino ang nasa Italy at karamihan dito ay pawang nagta-trabaho bilang mga kasambahay. Freddie Cortez