4.12M Pinoy magugutom sa 2011 – Loren

BAGO matapos ang taong kasalukuyan, nahaharap sa kagutuman ang mas maraming Filipino sa bansa bunsod ng namimintong pagtaas na halaga ng pagkain kaya kailangan nang palakasin ng administrasyon ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Ibinabala ito ni Sen. Loren Legarda matapos matanggap ang ulat ng Asian Development Bank na aabot sa 4.12 milyong katao ang magugutom sa taong kasalukuyan sakaling magkaroon ng 30% food price hike.

Ayon kay Legarda, kailangan nang kumilos ng administrasyon na palakasin ang agriculture at fisheries extension upang mapalakas ang produksiyon ng pagkain ng bawat isa at organisasyon na sangkot sa naturang sektor, na magpapahusay sa katatagan sa pagkain at mabawasan ang tantos ng kahirapan sa bansa.

Base sa ulat ng ADB, aabot sa 1.37 milyong Pinoy ang magugutom kung magkakaroon ng 10% pagtaas sa halaga ng pagkain, 2.27 milyon naman kung may 20% pagtaas sa presyo ng pagkain at P4.12 milyon kung magkakaroon ng 30% pagtaas sa halaga ng pagkain.

Nakapaloob ang panukala ni Legarda sa inihain na Senate Bill 1337 na magbibigay daan sa pagbubuo ng Philippine Agriculture and Fisheries Extension Agency (PAFEA) na magsisilbing national apex organization upang mapag-isa ang lahat ng agriculture and fisheries extension system at matiyak na mamenteni ang mataas na pamantayan sa extension programs.

Sa ilalim ng panukala, papalitan ng PAFEA ang Agricultural Training Institute na magbibigay ng pagsasanay at scholarship program na popondohan ng pambansang pamahalaan, para sa agricultural extension workers.

Pauunlarin din ng PAFEA ang rewards at incentives system upang mahimok ang agricultural extension workers na manatili sa serbisyo, maitaguyod ang produktibidad at biyayaan sila ng extraordinary performance.