Pilar Pilapil showed strength throughout stabbing incident

Noong gabi ng Abril 14, nang masaksak sa ilang bahagi ng katawan si Pilar Pilapil, ang tumulong sa aktres at dating beauty queen ay dalawang di niya kilalang mga lalaki.

Sila ay mga caretaker ng isang pribadong property na puno ng car parts at fighting cocks sa Piedra Blanca Subdivision ng Barangay Padilla sa Antipolo City.

Hinanap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong April 21 ang dalawang lalaking tumulong sa aktres—sina Reynaldo Napili, 66, at Marlon Viray, 27.

Ang tinitirhan nina Reynaldo at Marlon ay isang bahay na may isang palapag, nakatayo may 60 metro ang layo mula sa lugar na pinag-iwanan kay Pilar ng mga nanaksak sa kanya at nag-carjack ng kanyang gold Kia Carens.

Si Pilar ay iniwan sa isang makitid na kalye na tumutumbok sa Marcos Highway. Madilim na madilim ito, walang aspalto, maalikabok, at hindi madalas daanan ng tao.

Sa isang tabi ng kalye ay panay talahib. Matatanaw dito ang mga natitira pang bulubundukin ng Antipolo at ilang signage na nanghihikayat sa mga bakasyonistang pumunta sa “Mystic Cave” ng lugar. Pag tag-araw, puntahan ito ng mga nagma-mountain bike at nagmo-motorsiklo na gusto ng adventure.

Sa kabilang tabi naman ng kalye ay ang mahabang bakod ng Piedra Blanca Subdivision, kung saan nakatira ang dalawang caretakers. Maraming lote rito ang bakante pa.

Kaya bagamat 60 metro ang layo ng lugar na pinangangasiwaan nina Marlon at Reynaldo, ito ay pangatlong bahay lamang mula sa kanto ng Marcos Highway.

At dahil nag-iingat ang mga caretakers sa mga masasamang-loob, maliwanag ang kabahayan nila.

Iyon marahil ang dahilan kung bakit ito ang tinumbok na bahay ni Pilar sa kadiliman ng gabing iyon.

HINGI NG TULONG. Ayon kay Marlon Viray, ang mas nakababatang caretaker na tumulong kay Pilar, bandang alas-onse ng gabi nang marinig ng mga anak niya ang boses ng isang babae sa may labas ng bakod nila.

Nang mga panahong iyon ay nanonood ng TV si Marlon.

Lumapit ang dalawang anak ni Marlon sa bakod na yari sa dalawang kawayang pahalang. Matapos ay sumigaw ang mga ito ng, “Tatay, tatay, may tao!”

Paglabas ni Marlon, nakita niya ang isang babaeng hindi nila kilala.

Ang babae, sabi ni Marlon, ay, “Duguan, magulo, nakatakip sa mukha ang buhok, at punung-puno ng buhangin ang mukha at katawan niya. Maputi siya pero puno ng buhangin kaya panay puti ang makikita mo. Walang sapatos o kahit ano mang dala.”

Sa kabila ng mga natamo niyang sugat, ayon kay Marlon, “Malakas pa rin siya. Naglalakad kahit duguan, hindi gumagapang.”

Nakuhang idagdag ni Marlon, “Pero kahit ang dumi-dumi niya, mabango pa rin.”

Nang nagsalita ang babae, sinabi nito, “Dong, tulungan niyo ako.”

Pinapasok agad ng pamilya ni Marlon ang babae. Inabutan nila ito ng tubig. At pagkatapos ay pinahiga nila sa bangkong nasa bakuran.

Samantala, isa sa kasambahay ang tumingin sa labas ng bakod. Sinipat-sipat kung may mga tao o sasakyan doon. Wala silang nakita.

Hindi na pinatagal pa nina Marlon ang paghihirap ng sugatan at duguang babae. Agad ihinanda ni Marlon ang van na nakaparada roon at ang kasamahan naman niyang si Reynaldo ang naatasang magbantay ng bahay.

Maingat nilang inilipat si Pilar sa sasakyan. Nang akmang bubuksan ni Marlon ang ilaw sa van, agad sinabi ng babae na huwag nilang buksan ito.

Sabay sabing, “Baka madamay pa kayo. Baka sinusundan ako.”

Dito na rin nagpakilala ang babae. “Ako si Pilar Pilapil,” sabi raw nito.

Hindi man nila talaga makilala ang babae, naniwala sila rito. Wala raw silang naramdamang takot, sabi ni Marlon sa PEP. Nanaig daw ang awa sa babaeng duguan sa dibdib at mukha.

SA OSPITAL. Habang nagmamaneho si Marlon patungo sa ospital, nakiusap daw ang aktres, “Huwag niyo akong dalhin sa public hospital, hindi ko kayo pababayaan, tulungan niyo lang ako.”

Sa kabila nito, tumuloy pa rin si Marlon, kasama ang kanyang mga anak, sa isang pampublikong ospital, ang Antipolo District Hospital, dahil ito ang pinakamalapit. Limang minuto nga lang daw ay naroon na sila.

Nang nasa ospital at inasikaso na ang pasahero niya, tumawag agad si Marlon sa pulisya upang humingi ng tulong.

Wala pang 30 minuto ay dumating daw agad ang mga pulis na may kasama ng ambulansya.

Hindi rin umano nagtagal ay inilipat na sa ibang ospital si Pilar.

Hindi raw alam ni Marlon kung saan ospital ito inilipat. Iyon na rin ang huling pagkakakita niya sa aktres.

Samantala, nanatili naman si Marlon sa ospital ng ilang sandali pa upang sagutin ang mga katanungan ng mga pulis, bago siya dinala sa police headquarters para ipa-blotter ang pangyayari.

Ayon sa ilang ulat, dinala umano ang aktres sa Medical City sa lungsod ng Pasig, kunsaan nang lumaon ay idineklara umano siyang stable at malayo na sa panganib.

Subalit nang subukang kumpirmahin ito ng PEP sa Medical City, wala raw pasyenteng nakarehistro na nagngangalang Pilar Pilapil sa kanilang ospital. (CLICK HERE to read related article).

SUSPECTS STILL AT LARGE. Sa ngayon, pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawang lalaking suspek sa krimen.

Isa sa mga ito ay inilarawan ni Pilar na, “Lalaki, 25 to 30 years old, 5 feet and 8 inches, malaki ang katawan, dark complexion at nakasuot ng white shirt and dark pants. Tagalog ang salita.”

Nailabas na rin ng pulisya ang computerized illustration ng suspek. (CLICK HERE to read related article)

Isinama na rin sa mga suspek ang babaeng kasama ni Pilar nang maganap ang insidente. Nauna na niya itong kinilala bilang pamangkin ng kanyang asawang si Leo “Bernie” Peñas. Ito raw ay nagngangalang Rossel Rosalem Peñas.

Ayon kay Senior Superintendent Joel Napoleon ng Task Force Pilapil, maaring masampahan ng kaso ng robbery with serious physical injuries ang mga suspek. (CLICK HERE to read related article)

POSTSCRIPT. Nang makausap ng PEP si Marlon Viray kaninang alas-seis ng gabi, sinabi nitong iniwan na niya ang pagiging caretaker sa bahay sa Antipolo. Kasama nito ang mga anak. Sa kasalukyan, naghahanap siya ng bagong trabaho.