Visita Iglesia online dinagsa ng tinamad na Katoliko

Remate.ph

HUWEBES Santo pa lamang ay nalampasan na ang 2010 visitors record ng Visita Iglesia online site ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) matapos umabot na sa halos 70,000 Katoliko ang bumisita sa naturang site hanggang kahapon (Huwebes) ng tanghali.

Ayon sa CBCP, as of 12:50 ng tanghali nitong Huwebes Santo ay umaabot na sa 65,363 visitors ang naitalang bumisita sa website.

Itoy mas mataas ng 17,890 kumpara sa 47,473 visitors na naitala ng Visita Iglesia site noong nakaraang taon.

Nabatid na biglang dumagsa ang mga bumibisita sa website nitong Miyerkules Santo kung saan mula 40,187 visitors na naitala ng 6:35 ng umaga ay umakyat ito ng mahigit 50,000 pagsapit ng 10:00 ng gabi.

Nasa 21,219 visitors lamang naman ang naitalang bumisita sa site noong Lunes Santo.

Inaasahan namang lalo pang darami ang mga taong bibisita sa Visita Iglesia site mula Biyernes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday, na siyang tinatawag na Easter Triduum o Paschal Triduum.

Ang Easter Triduum ay sinisimulan sa isang Mass of the Lords Supper sa Huwebes Santo, kung saan inaalala rin ang pasyon at pagkamatay ni Hesus sa Krus sa Biyernes Santo at ang Kanyang muling pagkabuhay sa Easter Sunday.

Pinaalalahanan naman ng CBCP ang mga Katoliko na ang naturang website ay para lamang sa mga overseas Filipino workers at mga may sakit na hindi kayang personal na magtungo sa mga simbahan para gunitain at ipagdiwang ang Mahal na Araw at hindi sa mga tinamad lamang na lumabas ng bahay-bahay.

Hinikayat din nito ang mga Katoliko na magtungo sa mga simbahan, at doon magsisi ng kasalanan, manalangin at magbalik-loob sa Diyos.

Mas makabubuti rin umano kung sasabayan nila ng pagkakawang-gawa ang paggunita sa Mahal na Araw. Kyle Gatus