Palasyo nakiramay sa pagpanaw ni AJ Perez

NAGPAHATID ang Malakanyang ng pakikiramay sa pamilya ng namatay na TV actor at model na si AJ Perez sanhi ng vehicular accident sa Moncada, Tarlac.

“We are extending our sympathy to his family,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Sanhi nito, muling pinaalalahanan ni Valte ang publiko na umuuwi sa kani-kanilang mga probinsiya para magdaos ng Semana Santa na doblehin ang pag-iingat sa pagbiyahe at pagmamaneho sa mga pangunahing lansangan sa bansa upang maiwasan ang ganitong uri ng sakuna.

Ayon sa ulat, si Antonilo Joseph Perez o kilala sa showbiz screen name na AJ Perez na kabilang sa teledrama ng ABS-CBN na “Sabel” ay namatay nang sumalpok ang sinasakyang van sa isang pampasaherong Partas bus sa bayan ng Moncada.

Ang 18-anyos na si Perez at mga kasama nito ay bumibiyahe pabalik ng Maynila nang maganap ang asidente sa kahabaan ng McArthur Highway sa bahagi ng Barangay San Julian, Moncada, Tarlac dakong ika-12:10 ng madaling-araw mula sa isang provincial show sa Dagupan City, Pangasinan.

Ang mga kapwa pasahero naman ng namatay na aktor ay pawang sugatan na kinabibilangan ng kanyang ama na si Gerardo Perez, ang drayber ng van na si Christopher Bautista, crew members na sina Christina Ferrer, Edwin Patelos at Danny Linunga.

Ilan sa mga pelikulang nagawa ng aktor ay ang “Kasal, Kasali, Kasalo” noong 2006; “Sakal, Sakali, Saklolo” (2007); BFF (2009); Babe, I Love You (2010) at ang Mamarazzi (2010). Axel Sam